Huwebes, Nobyembre 10, 2011

Mabilis ang Karma



Hindi na talaga mapipigilan ang modernisasyon at paglaganap ng makabagong teknolohiyang patuloy na nagpapabago sa mukha ng ating mundo. Mga teknolohiyang hindi na maiwawalay sa buhay ng bawat ng tao, mapa-bata man o matanda. Mula sa mga cellphone hanggang sa mga kompyuter at ang mga nauuso ngayong Ipad at mga tablet, walang taong hindi mawawalan ng kahit isa man lamang sa mga iyan.

Kakambal na rin ng mga makabagong gamit na ito ay ang internet, na kadalasa’y siyang ginagamit ng mga estudyante upang mapagkuhanan ng mga impormasyon ukol sa mga takdang kailangan nila sa eskwelahan o kahit mga simpleng impormasyon ukol sa mga bagay sa mundo na nais nilang malaman. Ngunit sa panahon ngayon, ang pinaka-karaniwang gamit na ng internet ay upang manatiling konektado sa ating mga mahal sa buhay na nasa ibang bansa. Dito pumapasok ang mga kung tawagin ay social networking sites, na naglipana na ngayon at halos ginagamit ng lahat ng tao para makamusta ang kani-kanilang mga pamilya at mas madalas ay upang makatagpo ng mga bagong kaibigan. Isama mo pa ang paggamit ng cellphone, na karamihan sa mga bagong modelo ngayon ay nagiging daan na upang makakonekta pa rin sa internet ang mga tao, kahit na wala silang kompyuter.

Ngunit paano kung sa paggamit mo ng mga social networking sites na ito at sa paggamit mo ng iyong cellphone ay hindi kaibigan ang mahanap mo, kundi kaaway? Kaaway na hindi mo man kilala pero kung masiraan ka ay tila mas kilala ka pa niya kaysa sa sarili mo? Kaaway na hindi mo pa nakikita, ngunit kung makaasta ay tila ba anino mo na laging saksi sa lahat ng kinikilos mo? Kaaway na hindi man nananakit ng pisikal mong katawan, ngunit niyuyurakan naman ang iyong katauhan? Kung nararanasan mo iyan, ikaw ay isang biktima ng cyberbullying.



Ang cyberbullying ay unang ginamit at binigyang-kahulugan ni Bill Belsey  bilang “paggamit ng mga teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon upang suportahan ang sinadya, paulit-ulit, at pagalit na pag-uugali sa pamamagitan ng isang indibidwal o grupo, na inilaan upang makapinsala sa iba.” Nangangahulugan din itong paggamit ng internet, cell phone o mga katulad na kagamitan upang magpadala ng mga mensaheng maaaring makasakit sa damdamin ng patutunguhan, maaaring sa pamamagitan ng banta o kahit alinmang kauri nito. Karamihan sa mga biktima nito ay mga kabataang nasa teenage years o mas mababa pa. Sa kasalukuyan, isa ito sa mga ipinaglalaban at hinihiling na masugpo hindi lamang ng mga biktima nito kundi maging ng mga taong nababahala na sa patuloy na paglala nito. Dahil kahit simpleng mga salitang nakakasakit lamang ang natatanggap nila sa mga taong hindi sila gusto o hindi nila kilala, kapalit naman nito’y matinding epekto sa buhay ng nabibiktima.

Madalas nating mabalitaan ang mga sikat na artista bilang mga biktima ng cyberbullying. Isa sa mga kilalang taong ito si Charice, na umaming biktima siya ng nasabing gawain mapa-Facebook man o Twitter.


Ngunit kahit madalas na mga artista lamang ang nababalitaan nating biktima ng cyberbulling, hindi rin pala nakakatakas sa gawaing ito ang mga ordinaryong tao, gaya na lamang nitong si Christopher Lao.



Matapos ang insidente, isa ang estudyanteng ito sa mga taong naniniwalang biktma si Lao ng cyberbullying.



At dahil nga sa patuloy na paglaganap ng cyberbullying di lamang sa ibang bansa maging dito sa Pilipinas, hiniling sa Kamara na ipagbawal na ang nasabing gawain.

At upang mas lalo pang mabuksan ang isipan ng mga tao tungkol sa cyberbullying at mapalakas pa ang kampanya laban dito, isang pelikula ang ginawa upang ipakita ang epekto nito sa buhay ng mga biktima nito.









Talaga namang malayo na ang narating ng pagbabagong dulot ng teknolohiya sa ating mundo at sa ating mga buhay. Alam nating lahat na nilikha ng ating mga kapwa tao ang mga teknolohiya at mga social networking sites na ito upang magamit sa mabuting paraan, hindi upang makasira ng buhay ng iba. Sa mga gumagawa at nagbabalak gumawa nito, subukan niyong ilagay ang inyong mga sarili sa katayuan ng taong inyong sinasaktan o balak saktan.. Hindi ba hindi niyo ring gugustuhing mangyari iyon sa inyo? Sana mapagtanto niyo ang mensahe ng isa sa mga Golden Rule, na nagsasabing, huwag mong gawin sa iba ang bagay na ayaw mong gawin sa iyo. Dahil sa ating buhay, maniwala ka man o hindi, mabilis ang karma.


Sources:
http://kiwicommons.com/wp-content/uploads/2011/06/cyberbully.jpg
http://ph.news.yahoo.com/charice-admits-being-victim-cyber-bullying-040622162.html
http://en.wikipedia.org/wiki/Cyber-bullying
http://www.scribd.com/doc/71702119/fnr-nov05-2011-b-Cyber-bullying-ipagbabawal-ng-Kongreso
http://www.techclump.com/wp-content/uploads/2011/04/cyber-bullying.jpg
http://www.youtube.com/watch?v=aRIxeaAr-sc
http://www.youtube.com/watch?v=kQ_s3DjiLX8&feature=related
http://www.youtube.com/watch?v=7q9q1mrFiyA